please click here.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

"Pagtitipon

 ng mga Anak ng Bayan"   

('Ito ay isang Monumentong Ispiritwal') 

ILANG PALIWANAG         KATITIKAN NG SEREMONYA         KILUSANG KARTILYA


 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

PALIWANAG:

NG PAGTITIPON NG MGA ANAK NG BAYAN ay nilikha ng Kamalaysayan, batay sa mga seremonya ng Kataas-taasang, Kagalang-gala­ngang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. Unang idinaos ito sa Folk Arts Theater, CCP Complex, Pasay City, noong Hulyo 7, 1992, bilang tampok na bahagi ng Katipunan, Sandaan!, sentenaryo ng pagtatatag ng Katipunan.  Idinaos ito nang sabay-sabay sa iba’t ibang lugar.

Ang muling pagbuhay ng buwanang pagdaraos ng PAGTITIPON ay inilunsad ng mga pinuno ng KATIPUNANG DAKILAHI bilang paglulunsad ng “Kilusang Kartrilya” noong Disyembre 15, 2002, ika-127 kaarawan ni Emilio Jacinto, sa isang pag­papanata sa makasaysayang Bahay-Kwago, Ugong, Pasig, at sinimulan noong Enero 7, 2003. Mula Mayo 2003, naging “Kapilya ng Kartilya” para sa buwanang pagdaraos ng PAGTITIPON ang museong Bahay Nakpil-Bautista sa kalyeng Barbosa, Quiapo, Maynila. Ang unang pag­pupulong naman ng Sanggunian ng mga Kawal ng Kartilya, na nilikha bilang pormal na pamunuan ng “Kilusang Kartilya,” ay idinaos sa sentro ng Barangay Ugong, noong Disyembre 15, 2004.

"Mabuhay ka at ang ating panata!” Ito ang batián ng mga kababayan nating nagsisumpa nang patuloy na pag-aaralan, isasabuhay at ipapalaganap ang diwa ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ayon sa mga aral na nakahanay sa tinatawag nating “Kartilya ng Katipunan.”  Pinapaikli naman ng marami sa kanila ang pagbating ito.  Sapat na rin nga ang mga letrang “MKAP!” bilang pagbatì.

Umaabot na ngayon sa libu-libong bilang ang mga Pilipino, sa Pilipinas at sa ibayong-dagat, na nakapagpanata na nang ganito. At bago sila naging karapat-dapat magpanata, binasa muna nila ang 14 na aral, pumili ng isa sa mga ito, at ipinahayag sa isang seryosong pag-uusap kung paanong ang aral na napili niya noon ay may tuwirang kabuluhan sa sarili niyang buhay, sa sarili niyang mga ugali at gawi, sa sarili niyang mga kahinaan at kalakasan, sa sarili niyang kasalukuyang mga pagsisikap at suliranin. 

Malaking bahagi ng mga nakapagpanata na ay nagsagawa nito sa pagdaraos ng buong seremonyang “Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan,” na nilikha ng Kamalaysayan para sa Katipunan, Sandaan!, malawakang pagdiriwang noong Hulyo 1992 ng eksaktong sentenaryo ng pagkakatatag ng Katipunan sa pamumuno ni Gat Andres Bonifacio. Ang isa’t kalahating oras na seremonyang kadalasang dinadaluhan ng 7-15 katao, ay idinisenyo nang nakabatay sa misa ng mga Kristiyano, bagamat walang kaugnayan sa relihiyon ang nilalaman nito. Sa halip na panrelihiyon, ang seremonyang “Pagtitipon” ay binansagan bilang “isang monumentong spiritwal” na itinatayo sa ating mga puso at kalooban bilang pagpupugay sa kadakilaan ng diwang marangal at diwang mapagkaisa ng Katipunan.

Marami rin naman ang unang nagpanata habang dumadalo sa 20-minutong bersyon na idinadaos bilang bahagi ng iba’t ibang komperensya, pagtatanghal o iba pang okasyong dinadaluhan ng mahigit 50 katao.

Ang pagbuhay ng “Kartilya” sa kamalayan ng kasalukuyang mga salinlahi ng mga Pilipino ay batay sa katotohanang ang mga aral nito ay tunay na napaka-aplikable pa rin kahit sa kasalukuyang panahon ng mga MP3, internet, websites at cellphones. Nilalayon din nitong ipakilala sa lahat ng ating mga kababayan na ang Katipunan ay hindi puro tapang at galit sa kalaban, hindi puro paghahasa at pagwawasiwas ng itak sa kahandaang pumatay at mamatay alang-alang sa paglaya ng Inang Bayan.

Sa kasalukuyan, nagugulat ang mga unang nakakakilala sa “Kartilya ng Katipunan” sa sandaling simulan nilang pakinggan nang husto ang mga aral nito. “Ganoon pala ang mga Katipunero!” madalas maibulalas ng mga dumadalo, “akala ko, puro ‘Sugod, mga kapatid!’”

Ang mga nakadalo na sa seremonyang ito ay nagmumula sa iba’t ibang propesyon at hanapbuhay, kabilang na ang ilang opisyales at empleado ng pamahalaan, pati na ang mga pinuno at tauhan ng pulisya at hukbo nito, gayundin ang mga pari’t madre, studyante, mga guro, at pati ang ilang nakikiisang dayuhan sa ating bansa.

Ang kauna-unahang pagdaos ng “Pagtitipon” ay ginanap noong araw ng sentenaryo ng Katipunan. Idinaos ito sa Folk Arts Theater ng Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, at kabilang sa mga dumalo ang noo’y tagapangulo ng Metro Manila Development Authority na si Ignacio Bunye.

Isang Pangulo ng Pilipinas (Fidel Ramos) ang nakasaksi nito nang idaos sa isa sa mga bulwagan ng Malakanyang ang maikling bersyon. Ang bersyon ding ito ay idinaos bilang seremonyang panapos sa isang seminar na isinagawa ng Philippine National Police sa Kampo Crame. Ginawa rin ito sa Manila City Hall nang kalahok ang noo’y Alkalde Alfredo Lim.

*   *   *

back to top .


 

KATITIKAN NG SEREMONYA:

“PAGTITIPON

ng mga Anak ng Bayan”

(KATITIKAN)

 NAMUMUNONG KAWAL NG KARTILYA (NKK): Mga Kababayan, ating gunitain ang naunang mga dakilang kaganapan sa kasaysayan ng ating bayan, ang pagkakatatag ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan ikapitong araw ng ikapitong buwan, 1892, at pagkatapos ng apat na taong matagumpay na pagsisikap ng Ka­tipunan, na pagkaisahin ang magkakaiba at magkakalayong mga komunidad ng tagailog sa Sangkapuluang ito ay nahinog ang batayan sa pagsisilang ng pagkabansa. Kaya’t noong Agosto 24, 1896, ang Katipunan na dati’y isang mapanghimagsik na samahan lamang ay mu­ling itinatag bilang kauna-unahang pambansang pamahalaan na nakilala bilang “Haring Bayang Katagalugan.” Sa pamumuno ng Pangulong Andres Bonifacio Maypag-asa, ang ng mga aral ng Katipunan, laluna ang Kartilya na isinulat ni Emilio Jacinto Pingkian, ay itinaguyod na mai­pagpatuloy sa bagong ugnayan. 

PANGALAWANG NAMUMUNO (PN): Mahalaga pa rin ang mga aral na ito hanggang sa ngayon, kaya’t nagtitipon tayo sa pararamihin pang mga “Kapilya ng Kartilya” upang pag-aralan, isabuhay at lalo pang ipalaganap ang mga aral na ito. Bahagi man o hindi ng alinmang pormal na samahan, itinataguyod natin ngayon ang “Kilusang Kartilya” na itinatag ng Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasanib-lakas batay sa seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, na nilikha ng Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kama­laysayan) para sa sentenaryong Katipunan, Sandaan! noong Hulyo 7, 1992. Nagsimula tayo noon ng limang-taong buwanang pagdaraos ng Pagtitipon bilang isang monumentong spiritwal sa hanay ng ating mga kababayan sa buong kapuluan at sa ibayong-dagat.  Ang paggalang na­tin sa seremonyang ito ay maging tanda nawa ng paggalang natin sa ating mga bayaning ninuno. Tumayo tayo nang tuwid at awitin ang martsang Alerta Katipunan.

1. Pambungad na Awitin: ALERTA, KATIPUNAN!

I.  Alerta, Katipunan!

Sa bundok ang tahanan,

Doon mararanasan

Ang hirap ng katawan!

Walang unan, walang kumot,

Walang banig sa pagtulog,

Inuunan pa ay gulok

Abansing katakut-takot!

II. Alerta, Katipunan

Bathin ang kahirapan,

Pag-ibayuhin ang tapang,

Kahit mamatay sa laban!

Layunin natin ay itaguyod

Baya’y tubusin at itampok,

Hayo na tayo, makipaghamok,

Abansing katakot-takot!

[Uupo ang lahat sa iisang sirkulo.]                                               

 


2. Pagtanggap sa mga Dumalo at Paglilinaw sa mga Layunin.

NKK: Mabuhay kayo, mahal na mga kapatid! Simulan natin ang ating pagdaraos ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan sa pamama­gitan ng pagkilala sa isa’t isa at sa ating mga layunin. Sagutin ngayon ng bawat isa sa atin ang unang pambungad na katanungan sa mga du­mudulog upang umanib sa Katipunan: Ikaw ay sino?”

[Babanggitin ng bawat isa ang kanyang buong pangalan at palayaw, mga lala wigang pinagmulan ng kanyang mga magulang, at ang lalawigang kanyang kinasilangan at kinalakhan. Babanggitin ang sariling okupasyon ngunit hindi ipakiki­lala o babanggitin man lamang ang kinapapaloobang samahan o pina­pasukang tanggapan.  Huling magpapakilala ang Namumunong Kawal ng Kartilya.]

PN: Palakpakan po natin ang lahat ng dito’y nagtipon. [palakpakan] Sabay-sabay naman nating sagutin ngayon ang ikalawang pambungad na katanungan sa mga dumudulog sa Katipunan: “Ano ang dito ay iyong hinahanap?”

LAHAT: Sa naritong Pagtitipon / ay kusang-loob kaming dumalo, / upang magpugay at mag-aral / sa kasaysayan at kabayanihan / ng Kataas-taasang, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Ba­yan / at sa kadakilaan / ng sambayanang Pilipino.

PN: Kung gayon, sa diwa ng dakilang simulaing taglay ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan ay batiin at tanggapin natin ang bawat isa.

[Lahat ay titingin at magbibigay ng pagngiti at pagbati sa isa’t isa, tanda ng pagtanggap nila sa isa’t isa sa Pagtitipong iyon. ]

NKK: Ang mga dumadalo ngayon sa Pagtitipon sa unang pagkakataon ay mangyaring tumayo, isuot at ibuhol ang pulang sagisag, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan]  Ang mga kinikilala nang mga ganap na Katipon dahil sa pag-uulit ng pag­dalo, ay tu­mayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may isang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan]  Ang naritong mga Kawal ng Kar­tilya, na nakapagdaos ng maikling bersyon ng seremonyang ito, nakapanghikayat ng bagong dumalo, at nakapamuno na sa isa man lamang pagdaraos ng buong seremonya sa isang regular na Kapilya ng Kar­tilya, ay tu­mayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may dalawang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan]  Ang mga Kapatid sa Kaba­yanihan ng Katipunan, na nakapag-aral na sa orihinal na mga sulatin ni Andres Bonifacio at Emilio Jacinto, nakapag-aral na sa unang baytang ng Palatuntunang Pingkian at nakaganap na sa iba pang mga pamantayang inihanay ng Sang­gunian ng mga Kawal ng Kartilya para sa katayuang ito, ay tumayo ngayon, isuot ang pulang sagisag na may tatlong titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Atin ngayong ipagbunyi ang lahat ng bumubuo ng Kilusang Kartilya sa buong kapuluan at sa ibayong-dagat! [Palakpakan]

PN: Ang pangatlong pambungad na katanungang ihinaharap sa mga dumudulog sa Katipunan ay: “Di mo baga nababatid na kapagka­rakang ikaw ay masanib sa Katipunang ito, ikaw ay mabibingit sa katakut-takot na kapahamakan?” Hindi tayo sasagot sa ganitong kata­nungan sa Pagtitipon dahil di naman tayo umaanib ngayon sa Ka­tipunan na isang samahang mapaghimagsik at tinutugis ng mga may­kapangyarihan. Gayunman, ang kakaharapin natin ngayon ay isang ma­bigat na hamon, at ito ay ang pagsasabuhay at pagpa­palaganap sa da­kilang diwa ng Katipunan. Di ito madaling maisakatuparan at ang kai­langan ay katatagan ng loob at kahandaang magpakasakit, isang pagpa­panibagong-hubog sa sarili ayon sa mga aral ng Kartilya ng Katipunan.

NKK: Ang pag-anib natin sa pagsisikap na ito ng Kilusang Kartilya ay malaman at madama sana ng ating pami-pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan, ayon sa matingkad nating pagsasabuhay sa mga simu­laing nakaukit sa Kartilya ng Katipunan at hindi lamang dahil ipagsa­sabi natin ito. Nawa’y maging mabunga ang pagdaraos natin ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, para sa bawat isa sa atin at para sa ikaiinam ng kalagayan ng mahal nating Inang Bayan.

LAHAT: Pagsumikapan nating lahat / na ito ay gawing mabunga / ngayon at lagpas pa nang malaon / sa ating paghihiwa-hiwalay.


3. Ikalawang Awit: PAG-IBIG SA TINUBUANG LUPA

(katha ni Luis Jorque mula sa 28-saknong na tula ni Andres Bonifacio)

Aling pag-ibig ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagdakila

Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?

Aling pag-ibig pa?  Wala na nga, wala.

 

Walang mahalagang hindi inihandog

Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:

Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,

Buhay ma’y abuting magkalagot-lagot.

Ang nakaraang panahon ng aliw,

Ang inaasahang araw na darating

Ng pagkatimawa ng mga alipin,

Liban pa sa Bayan saan tatanghalin?

      Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!

Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,

Walang alaala’t inaasam-asam

Kundi ang makita’y lupang tinubuan.

4

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak,

Kahoy n’yaring buhay na nilanta’t sukat

Ng bala-balakit makapal na hirap,

Muling manariwa’t sa Baya’y lumiyag.

 

Ipakahandog-handog ang buong pag-ibig,

Hanggang sa may dugo’y ubusing itigis,

Kung sa pagtatanggol, buhay ay kapalit

Ito’y kapalaran at tunay na langit.

 

Aling pag-ibig ang hihigit kaya

Sa pagkadalisay at pagdakila

Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?

Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala!

} 2x


4. Pagbabasa: ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG

[Pagbasa sa isang bahagi ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog” na isinulat ni Andres Bonifacio. Maaaring mag­dagdag ng pagbasa ng isa pang pahayag / liham o kaya’y presentasyon ng likhang sining na di lalagpas nang 10 minuto.]

NKK: Narito ang huling bahagi ng “Ang Dapat Mabatid ng mga Taga­log,” isang makapangyarihang pahayag na inilabas ng pahayagang Kalayaan noong Enero 1896 nang may lagdang “Agapito Bagumbayan,” isang pangalan sa panulat ni Andres Bonifacio.  Ang mga Kapatid nating sina  (dalawa sa mga dumadalo sa unang pagkakataon)_ ang siyang babasa ng tig-isang talata.

TAGABASA 1: “Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng kat­wiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya’y tanaw sa ating mga mata ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalo kaalipustahan, at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ang katwiran na tayo’y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.

TAGABASA 2: “Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo’y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwala’t ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan…. Kaya, O mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nila­layong kaginhawahan ng bayang tinubuan.”


5. Pagsagot sa Tatlong Tanong

Ukol sa Kasaysayan ng Ating Bayan

NKK: Ngayon ay handa na ba tayong sumagot sa Tatlong Tanong sa Kasaysayan, na kahawig ng ipinasasagot noon sa bawat umaanib sa Katipunan?

LAHAT: Handa na kami, Kapatid! / buod ng kasaysayan ng ating bayan / ay amin nang nababatid.

NKK: Ano ang kalagayan ng ating bayan / bago dumating ang mga mananakop na dayuhan?

LAHAT: Maraming libong taon / na ang ating mga ninuno / ay namuhay nang malaya, mapayapa at masagana, / may unti-unting pag-unlad, / may namumuong pagkakaisang / likas na tumutungo sa pagkabansa, / at may malusog na pakikipag-ugnayan / sa nakapaligid na mga bansa //  Ang ating mga ninuno / ay may mayamang kultura / at maayos na sistema ng pamahalaan / na pawang sinira ng nanakop na dayuhan.

NKK: Ano ang naging kalagayan ng ating bayan / magmula nang ang buhay nito ay pagharian ng mga dayuhan?

LAHAT: Sapilitang binuo ang isang kolonyang bayan / ngunit pina­natiling hatí-hatí ang mga mamamyan. // Mula noon, tayo’y inalipin at pinagsamantalahan / sampu ng ating mga likas na kayamanan. // Hinawakan ang ating kaisipan, / inudlot ang pag-unlad ng ating wika, /  at ang ating karanglan at kakanyahan bilang sambayanan /ay niyurakan at ipinalimot, / laluna sa kabataan. // Ang ating kabuhayan ay pinakinabangan ng mga dayuhan / at ng ilan nating mga kababayan. // Habang nagkakandakuba sa paggawa / tayo’y naging mga pulubi at alipin / sa sariling bayan at maging sa ibayong-dagat. // At sa halip na umunlad, / buhay nati’y lumubha nang lumubha / sa paglipas ng bawat / maghapon at magdamag.

NKK: At ano naman ang magiging kalagayan ng ating bayan, sa san­daling makalaya tayo sa paghaharing dayuhan at sa ibinunga nito sa ating mga pag-uugnayan, ugali at isipan?

LAHAT: Ang likas na kayamanan / at lakas-paggawa ng Inang Bayan / ay maiuukol na sa kapakanan at pag-unlad / ng kanyang mamamayan. // Maibabangon at maisusulong na natin / ang ating kabuhayan, / mati­tigil na ang pagpapaalipin / mga ating mga kababayan / sa kináng ng salaping dayuhan, / at magiging maaliwalas ang hinaharap / para sa ating mga anak.

PN:  Kung mayroong mga tanong ang sinuman ukol sa mga Pagbasa at sa ating pagsagot sa Tatlong Tanong, mangyari po lamang na maisulat nang kalakip ang inyong pangalan, at maibigay sa amin upang mabig­yang-daang matugunan. Kung isasagawa na ngayon, ang mga pagta­tanong at pagtugon ay hindi dapat lumagpas nang 15 minuto.

6. Mga Aral mula sa Kartilya ng Katipunan

PN:  Pasa-pasa nating basahin ngayon ang mga punto ng Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B.” na itinatampok ng Kartilyang isinulat ni Emilio Jacinto.  Walang mga numero sa orihinal at ang mga katagang nakahilíg at nasa panaklong ay idinagdag ng Kamalaysayan upang higit na maunawaan sa kasalukuyan. Matapos ang pagbasa ng lahat ay idedeklara ng bawat isa sa maliit na grupo kung alin sa mga aral ang pinakamahalaga sa kanya at ipaliliwanag niya kung paanong ang kanyang napili ay may buháy na kaugnayan sa sarili niyang personal na kalagayan at karanasan at sarili nyang mga katangian, ugali at asal. Hindi tayo gagawa ng konsensus o anumang sama-samang pasya batay sa mga pagbabahagiang ito.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahila­nan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag."

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan."

3.  "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran."

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkaka­pantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda ...; ngunit di mahihigitan sa pagkatao."

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri."

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magdadaan.

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi."

9.  "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.")

11.  "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba."

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan."

14.  "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.

[Bubuo ng mga apat-kataong grupo at may limang minuto ang bawat tao upang magbahagi. Hindi pag-uusapan ang organisasyon, tanggapan, o kompanyang pinapasukan ninuman at ang tuon lamang ay sa personal na buhay ng bawat isa.]


7. Pag-awit ng LIWANAG, HUWAG DILIM

(Katha ni Ding Reyes ng Kamalaysayan batay sa “Liwanag at Dilim” ni Emilio Jacinto.)

I.  Liwanag, ang ating hanapin,

     Liwanag, yakapin at gamitin,

     Liwanag ay makapangyarihan

     Sa paglalandas ng ating buhay

II. Liwanag ng Katotohanan,

     Liwanag ng Katuwiran,

     Liwanag ng Kalayaan,

     Ng Katarungan at Kapatiran…

Refrain 1:

Di  tulad ng Dilim

Di tulad ng Ningning

Na sarili lamang ang ‘pinapakita

Sa ating paningin.

III. Liwanag, sa sandaling mahanap,

     Pagsumikapang maipalaganap,

     At paramihin ang maninindigan

     Na mabubuhay sa kanyang sinag.

Refrain 2:

Ang Dilim ay Piring,

Huwad na ilaw naman ang Ningning

Na kaakit-akit, kaya nagagawa

Tayong linlangin!

 

Ulitin ang II at III

 

Liwanag!.


8. Pagbigkas at Paglagda sa Panata

NKK: Magsitayo tayong lahat nang tuwid, idikit ang ating kamao sa  pagtibok ng ating puso at sabay-sabay nating bigkasin ang panata sa pagsasabuhay at pagpapalaganap sa Kartilya ng Katipunan. Sa ating pagpapahayag ay kausap natin ang ating mga ninuno na unang nagtaguyod sa kadakilaan ng ating lahi.

LAHAT: Kaming narito ngayon, mga kusang-loob na dumalo sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan / ay sumusumpa ngayong pag-aaralan, / isasabuhay at ipapalaganap ang dakilang diwa / ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. // Niyayakap namin / bilang sariling panuntunan sa buhay / ang Kartilya ng Katipunan / at nangangako kaming ipakikilala ito / sa higit na marami pang mga kababa­yan / sa Pilipinas man o sa ibayong dagat. // Gagawin namin / sa iba’t ibang kaparaanan / sa abot ng aming makakayanan / na pagkaisahin ang lahat sa isang bukluran / sa patnu­bay ng mga aral ng Katipunan / at kamtin ang kaisahan, kalayaan, karangalan at kaginhawahang / malaon nang ipinagkakait / sa mina­mahal na Inang Bayan. //  Mag-aambag at magpapatampok kami / sa sama-samang galíng ng mga Pilipino / at magta­talastasan at magtatangkilikan / sa pagsasanib-lakas at bagong bayanihan, / upang mabuo ang isang malakas na bansa. // Kami’y magpupunyagi / upang ang mga ikinikilos namin sa araw-araw / ay sukat naming maikarangal / sa mga nagtatag at nagtaguyod ng Kati­punan / at sa lahat ng mga ninunong / mayaman sa kabayanihan. // Hindi kailanman mamamatay / ang kaytagal nang mga pangarap! / Ito ang mataimtim naming Panata / sa ngalan ng aming karangalan. // Kasihan nawa kami / ng Bathalang Maykapal!

PN: Hahanay tayo ngayon, at bawat isa’y lalagda sa ilalim ng binigkas nating Panata, sisindihan ang hawak niyang kandila, lalagyan ng isang patak ng kandila ang kanyang lagda habang nagsasabi ng “Tulad ng aking karangalan, di mabubura ang aking lagda.” [Ipauulit ito sa lahat]  Pagkatapos ay papatakan din ng kandila ang sariling palad habang nagsasabi ng “Talab sa aking palad, talab sa aking isip, salita at gawa.” Atin nang simulan ang banal na gawaing ito. Pinaaalalahanang maging tahimik ang lahat bilang pagbigay-galang sa seremonya at paggalang din sa tahimik na pagmumuni-muni na isasagawa ng bawat isa.

[Isasagawa ng bawat isa ang sinabi. Kung maaari ay papatayin ang mga ilaw.] 


9. Pagpapalitan ng Kandila

NKK: Bilang tanda ng init at liwanag na taglay ng mahigpit nating pagkakaisa sa ating Panata sa Diwa ng Katipunan, lapitan natin ang bawat isa, makipagpalitan ng kandila sa kanya, batiin siya ng “Mabuhay Ka at ang Ating Panata!” at makipagkamay nang palad-sa-palad sa kanya. [Ipaulit sa lahat ang pagbati. Ipakita ang palad sa palad na pakikipagkamay.]

LAHAT (sa isa’t isa): Mabuhay ka at ang ating panata

PN: Yayamang tapos na, magbalik na tayo sa ating mga upuan, patayin ang sindi ng ating mga kandila, ilapag ang lahat ng hawak, maging tahimik at manatiling nakatayo bilang angkop na paghahanda sa Konsekrasyon ng ating Panata.


10. Konsekrasyon ng Panata

NKK: [Itataas ang nilagdaang Panata] Masdan n’yo mga Kapatid, ang ating Panata at ang ating mga lagda ng karangalan, na ngayon ay nasa papel. Atin ngayon itong aalisin sa anyong pisikal… [sisindihan ang papel at ilalapit sa harap ng bandila ng Katipunan at mga sagisag ng bungo at punyal] …at sundan n’yo ako at pagkata­pos ay tahimik tayong magmuni-muni… Ang Panata at mga lagda / na inaangkin ngayon ng apoy / ay gumabay sana at manatiling nakaukit / sa puso at isipan / ng bawat isa sa atin / at sa higpit / ng ating pagkakaisa.   [tahimik na manonood ang lahat sa pagkaubos nang apoy]

PN: Mabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan!

LAHAT: Mabuhay!

PN: Mabuhay sa atin ang Dakilang Diwa ng Katipunan!

LAHAT: Mabuhay!


11. Pagwawakas

PN: Magsiupo tayo. Bawat isa ay magpapahayag nang maikli sa mga naisip niya’t naramdaman ukol sa pagdalong ito sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan. Hindi muna maglalabas ng anumang pagmumung­kahi ang sinuman sa nakikita niyang pagpapahusay pa ng katitikan o ng mga pagdaraos ng seremonya. Ang mahalaga ay pagtugon sa seremonya, ayon sa pagkakadaos nito ngayon, laluna ang mga baha­ging may pinakamalaking epekto sa kanya. Unahin nating pakinggan ang mga dumadalo ngayon sa kauna-unahang pagkakataon.

[Isagawa ang mga pagpapahayag; magbabahagi rin ang NKK at PN ng ilang karagdagang impormasyon  at hihikayatin silang  magbasa  ng hiwalay na mga sulatin ukol sa Katipunan, ukol sa Kartilya, at sa Kilusang Kartilya, at/o ma­natili matapos ang seremonya para sa karagdagang mga pag-uusap-usap.]

NKK: Mga Kapatid, dumating na ang oras ng ating pagpapaalam sa isa’t isa. Ngunit ito’y pansamantala lamang at hindi tunay na paghi­hiwa-hiwalay. Pansamantala sapagkat bawat isa sa atin na nagsasabing mahusay at mainam ang ating seremonya ay tinatawagan ngayon na kahit minsan pa’y dumalong muli bilang ganap nang Katipon sa susunod pang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, magpadalo ng dalawa man lamang na magiging ganap ring mga Katipon, at hangga’t maaari ay maging Pangalawang Namumuno, tulad ni ______, at pag­lao’y Namumunong Kawal ng Kartilya, o tagabasa ng mga pamagat ng bahagi at mga paliwanag sa pakalong, tulad ni _____, sa paglawak pa nitong ating Kilusang Kartilya dito o sa iba pang lugar. Ang sinumang babalik ay dadalo sanang muli hindi lamang upang may bagong matutunan, kundi upang makapagbahagi rin sa iba.  Ganap nating sikaping makarating sa tamang oras, upang mapanindigan ang ika-anim at ikapitong aral ng Kartilya at maiwaksi ang ugaling di nababagay sa mga anak ng Dakilang Lahi. Palakpakan po natin ngayon ang mga dumating kanina sa tamang oras. (palakpakan)

  Hindi ganap ang paghihiwa-hiwalay sapagkat mahigpit tayong binu­buklod ngayon ng ating panata na isabuhay at ipalaganap ang Dakilang Diwa ng Katipunan, sa nagkakaisa nating pagmamahal sa ating Inang Bayan.

  Humayo tayo, kung gayon, at magsilbing mga kandilang nagbibigay ng init at liwanag  sa pagbubuklod ng higit pang maraming mama­mayan tungo sa karangalan, kaisahan, kalayaan, katarungan, at kagin­hawahan.

LAHAT [Tayayo]: Mabuhay ang Pilipinas! Iasabuhay ang dakilang diwa ng Katipunan! Ikarangal ang kadakilaan ng ating lahi!


12. Pag-awit ng MARANGAL NA DALIT

PN: Tayo’y maghawak-kamay… at taimtim nating awitin ang unang pambansang awit ng nagkaisang mga anak ng bayan, ang Marangal na Dalit na kinatha ng Katipunerong kompo­sitor na si Julio Nakpil:

12

LAHAT:

I.  Mabuhay, Ma-buhay yaong

     Kalayaan, Kalayaan!

     At pasulungin

     Ang puri’t ka-banalan, ang

     Puri’t kabanalan!

II. Kastila’y mairing

     Ng Katagalugan

     At ngayo’y ipag-

     Wagi ang kahusayan!

      (ulitin ang I)

(Maaaring sundan ito ng isang simpleng salu-salo, at/o pag-uusap-usap na ukol sa mga plano ng mga grupo.)

*   *   *

back to top .


 

ANG KILUSANG KARTILYA:

Libu-libo ang mga Pilipinong nakakilala at nakapagpanata sa Kartilya ng Katipunan sa pagitan ng mga taong 1992 at 1997. Limang taong idinaos ito ng Kamalaysayan (na may unang pangalang Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan) tuwing ikapito ng buwan, ikapito ng gabi, sa pinaraming mga “Kapilya ng Kartilya” sa iba’t ibang panig ng kapuluan at daigdig.  Sa Metro Manila lamang ay umabot sa anim ang sabay-sabay na pinagdausan—isang katedral (ng Philippine Independent Church), seminar and retreat house (Titus Brandsma Center ng Order of Carmelites), isang barangay hall (Loyola Heights, QC), isang museong panlunsod (Makati), isang aklatang panlunsod (Pasig), at punong-tanggapan ng isang samahang pangkabataan (Kabalai, sa Parañaque). Idinaos din sa Estados Unidos, Hapon at Europa.

Sa panahong iyon din ay lumaganap ang 14 na aral ng Kartilya sa iba’t ibang publikasyon, kasama na ang napakaraming poster at polyeto. Ang mga ito at kaugnay na mga gawain ay kusang prinoyekto ng mga kasapi at samahang bumubuo ng Kamalaysayan kagaya ng Asosasyon ng mga Dalubhasa, May-hilig at Interes sa Kasaysayan ng Pilipinas (ADHIKA ng Pilipinas), Philippine Educational Theater Association (PETA), Philippine Independent Church (PIC), Pambansang Koalisyon ng Musikong Pilipino (PAKOMPIL), Sentrong Sentenaryo ng Pasig, Pidrophil Corp. (gumagawa ng mga T-shirt na may tatak na “Pidro”), Viajes Filipinas, Andres Bonifacio Music Foundation (sa pamumuno ni Maestro Jerry Dadap), Kalakbay-Diwa, Titus Brandsma Center, at marami pang iba.

Matapos ang sentenaryo ng kamatayan ni Andres Bonifacio noong Mayo 1997, pansamantalang itinigil ang pagdaraos ng mga seremonya at binuhay itong muli ng Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasanib-Lakas noong Enero 2003 at patuloy muling lumalakas ngayon.  Nitong Disyembre 15, 2005, nagpulong ang mga namumuno na sa pagdaraos ng seremonya (mga “Kawal ng Kartilya” o KK) at isinilang ang pormal na samahang “Kilusan para sa Pag-aaral, Pagsasabuhay at Pagpapalaganap ng Kartilya ng Katipunan” na sa mas maikli’y kilala na rin bilang “Kilusang Kartilya.”  Sinasaklaw ng Kilusang Kartilya ang lahat ng mga ganap na “Katipon” (K), mga dumalo na nang makalawa man lamang sa seremonya, at sa ikalawang pagdalo ay malinaw na ang pagkukusa sapagkat sa pagkakataong iyo’y nalaman na niya sa unang pagdalo kung ano ang seremonyang ito.   Sa kasalukuyan ay wala pang nakakaabot sa katayuan ng “Kapatid sa Kabayanihan ng Katipunan” (KKK), ayon sa mga pamantayan at kaparaanang itinakda ng Sanggunian ng mga KK noong Disyembre 2005.

Kasabay ng pagdami ng mga nakakadalo na’t nakapagsasanay na mamuno, unti-unti na ring dumarami ang mga “Kapilya ng Kartilya” sa loob at labas ng Metro Manila. At sa Hulyo 7, kaarawan ng Katipunan, nakatakdang ilabas na ang Kartilya Ngayon: Ang mga Landasin ng Bagong Pagtitipon ni Ed Aurelio C. Reyes at Jose Eduardo D. Velasquez, isang aklat na mas komprehensibong nagpapaliwanag sa mga landasin ng kasalukuyang pagsasabuhay ng mga aral ng Kartilya.

Ang “Kartilya,” maliit na kasulatan o “Little Scripture” ng Katipunan, ay nananatiling napakahalagang sulating gabay mula sa ating mga ninunong bayani.  Hamon ng Kilusang Kartilya sa lahat ng mga Pilipino sa kasalukuyan na nagsasabing sila na diumano ang Katipunan ngayon:  malalimang pag-aralan at matatag na isabuhay sa bawat araw ang dakilang mga aral ng Kartilya.  Ang paggaya sa Katipunan ay hindi pangunahing nauukol sa paghahasa o pagwawasiwas ng itak o anumang katumbas na armas. Ang mensahe at hamon ng 14 na aral ng Kartilya ay di-hamak na mas mahirap isagawa: magpakatao, at makipagkapwa-tao!

[Sa pagpupulong ng Sanggunian ng mga Kawal ng Kartilya noong Disyembre 15, 2005 ay pinagtibay ang “Palatuntunang Pingkian” at ang kabuuang landasin sa malawak na prosesong PAGTITIPON at sa seremonyang gulugod ng prosesong ito. Kabilang sa mga pasya ang mga pamantayan sa pagkakamit ng katayuang Kapatid sa Kabayanihan ng Katipunan )KKK), at sa nauunang mga katayuan. Ang Sanggunian din ang kinilala bilang eksklusibong awtoridad sa anumang mga pagbabagong maaaring imungkahi sa alinmang pagdaraos ng seremonya.]

*   *   *

back to top .


..

 

Please participate in 'Sanib-Sinag' (synergy of minds), through

'CYBER TALK-BACK' in selected SanibLakas webpages:

(Webmaster will mount your response in the appropriate page in this particular site.)

<SANIBLAKAS CYBERSERVICES is a special services project of SanibLakas Foundation>

 

 Ano naman ang sarili mong tugon sa aral na ito, kung mayroon?

Pangalan mo at palayaw::

Posisyon: 
Organisasyon, Opisina, Skwela o Barangay:
Mailing Address, E-mail Address, Fax No. & iba pang contact numbers:

 background na personal  (may kinalaman sa tugon):

Ipadala sa WEBMASTER -->
 



61872 

back to top .

 

 

back to the DakiLahi  website opening window     back to Kartilya website opening window